by Aileen Maniago Keogh
Ako ay naninirahan nang halos 40 taon sa Australia at araw-araw ay sumusubaybay sa mga pangyayari sa ating bansa sa pamamagitan ng panonood ng TV Patrol sa YouTube. Ako ay may mga obserbasyon sa paggamit ng ating wika sa ating mga pananalita sa pangkasalukuyan.
Napapansin ko ang madalas na paggamit ng mga salitang ‘yes’ imbes na ‘oo’, ‘then’ imbes na ‘tapos’, ‘is’ imbes na ‘ay’, ‘Mom/Dad’ imbes na ‘Nanay/Tatay’ o ‘Inay/Itay’ o ‘Mama/Papa’. Ang halimbawa ng paggamit nito ay, ‘Ang plano is, uwi muna tayo sa house, then mag-visit tayo sa Mom mo.’. Maraming pang mga salitang Ingles ang ipinapalit sa mga salitang Filipino. Halos wala ng nagsasalita ng deretsong Filipino.
Ako ay may galimgim sa himig ng ating sariling wika. Naalala ko ang mga salitaan sa mga napapanood kong mga lumang pelikula nila Delia Razon, Armando Goyena, Rogelio dela Rosa, atbp.. Lahat sila ay nagsasalita ng deretsong Filipino. Napakasarap sa aking pandinig na marinig ang ating wika. Naaalala ko na noong hindi katagalan, mga dekada 80 lamang ay mayroon pang Balagtasan sa radyo na aking pinapakinggan. Napakagaling ang paggamit nila ng ating wika upang ilahad ang kanilang mga damdamin, pighati at opinyon. Natatawa nga ako kung minsan kapag naiisip ko na para palang tayo ang nagpasimuno ng ‘rap’!
Nakakaligalig na may mga batang Pilipino na tubo at laking Pilipinas ngunit hindi marunong magsalita ng Filipino! Sila ay kinakausap sa Ingles ng mga magulang simula’t sapol at ipinapag-aral sa paaralan na ang salita ay Ingles lamang.
Ako ay hindi dalubhasa sa ating wika ngunit mayroon akong takot na baka maaaring unti-unti nang mabura o mamatay ang ating wika sa kalaunan.
Sa aking pananaw, ang pagmamahal sa wika ay nauugnay sa pagmamahal ng kultura at bayan. Ang mga salita ay nanunuot sa ating mga isipan at puso. At ang laman ng ating isipan at puso ay lumalabas sa ating mga pananalita. Ano ang epekto ng dayuhang pananalita sa ating mga isipan, diwa, puso at gawa? Ayon sa mga kasaysayan ng mundo, ang unang hakbang ng sinumang nanakop ng isang bansa ay ang ipwersa ang kanilang dayuhang wika sa mga katutubo.
Sana ay itaguyod at mahalin natin ang ating sariling wika.Tayo ay mga Pilipino. Tangkilikin at ipagmalaki natin ang ating makulay at napakayamang kultura at kasaysayan.
Aileen Maniago Keogh completed a B.S. Statistic degree from the University of the Philippines She worked as an IT Professional for 37 years (until 2024). She currently resides in Melbourne with her husband and works occasionally as a Freelance Language Translator (Filipino-English).